Tuesday, May 31, 2011

Two Moons: Ikalawang Yugto

Neon Quiapo


The Sky mourns our fallen comrades
The Sea flows as are her tears
Rise now warriors, 'tis not a time for grief
Assemble, great army, the devil's not asleep, kuya...


'...kuya...'

'Kuya! Kuya!'

Nagising ako sa paniniko sa akin ng katabi kong babae sa Bullet Jeep.

'Saan ka daw bababa?' pagalit na tanong sa akin ng dalaga.

Ako naman walang kamalay-malay sa nangyayari. Wala pa rin ang ulirat ko sa mahaba-haba kong idlip. Nakabalik lang ako sa matino kong sarili nang mapansin kong nakatingin na sa akin lahat ng pasahero.

'Saan ka daw bababa?' ang chorus ng mga pasahero.

'Teka, na-i-enter ko na dyan sa touch screen ah?' pabalang kong nasambit.

Bago pa man makapagsalita ang ibang pasahero ay inunahan na sila ng manong drayber.
'Bossing, pasensya na ho, may bug po kasi yung 2nd CPU unit ko e. Ipapagawa ko pa mamaya sa Payatas.'

'Ah.. Uhmm.. Sa may Quiapo TechnoHub lang ho ako.'

'Pwede ka na hong bumaba dyan sa platform', sagot ng drayber.

Dali-dali akong bumaba sa takot kong makalagpas sa pupuntahan. Habang pababa ako, narining ko ang mga bulung-bulungan ng mga pasahero. Kesyo bakit daw natutulog ako sa biyahe. O kesyo bakit ako pa daw ang parang galit. Pero nalaman ko na nagsalita pala ako kanina habang natutulog. May isa pang nagsabing pa-ingles-ingles pa raw ako wala na naman daw ang amerika. Nag-taingang-kawali na lang ako sa kanila.

Dumeretso ako sa may plaza ng Quiapo. Ang totoo nyan di ko pa alam kung saan ang pupuntahan ko. Nililis ko ang kanang manggas ko at tiningnan ang built-in PDA sa braso ko.

Jollibee Technologies
15th Flr. Left Spire, Fortune Towers (Formerly Quiapo Church)
Carriedo St. Quiapo TechnoHub


Titingnan ko sana sa GPS kaya lang ayokong magsayang ng 5 digicreds para lang dun. Dadaanin ko na lang sa santong paspasan.

Parang isang magulong panaginip/bangungot ang Quaipo technohub. Parang isang psychedelic/electronic neon maze. Meron dito lahat ng bagay na maiisip mo--may mga gadget na paglalawayan ng mga techies. May mga librong hindi pagsasawaan ng mga history buffs-- mga libro tungkol sa Enlightenment of The Great Obama, may merong title na 2012: The Second Coming Realized, may mga artifacts gaya ng CD's at DVD's at kung anu-ano pa.

Lumingon ako sa paligid para maghanap ng karatula at direksyon. Kung anu-ano ang nakapaskil, karamihan para sa negosyo. 'Bawal ang digicreds dito', 'Picochips lang po sa umaga', 'Tumatangap ng fabric rejuvenation', 'Nag-a-outsource ng dasal'. Meron ding pampersonal, 'Palimos ng digicred', 'Pangcharge lang po ng cybernetic arm', 'Alay para sa Unitron'.
Meron ding pang-serbisyo publiko (ito ang kelangan ko), 'Wag liliko sa ika-apat na mini-clover', 'Kumanan lang kapag asul ang stoplight 1, pula ang stoplight 2 at lila ang stoplight 25', 'Bawal lumakad ang may metal implant sa talampakan' atbp.

Pero mas lalo yata akong maliligaw kung babasahin ko ang mga ito. Matagal-tagal na rin akong naglalakad at medyo lowbatt na yata ang paa ko. Yung kaliwa lang naman, nakalimutan ko kasing palitan yung mga electroplating sa battery connection kaya mabilis magdischarge.

Sa awa ni Unitron, nakita ko rin ang Carriedo St.







Susunod: Ikatlong Yugto