Friday, May 13, 2011

Ang Talaarawan ni Juan Tamad (Mayo 12)

Ika-12 ng Mayo.

Mahal kong talaarawan,


Napagalitan na naman ako ng husto ni inang. Wala na kasi yung pera binigay niya na pambili ng alimango. Hindi ko naman ginusto ang nangyari. Kaninang umaga, habang papunta ako ng bayan para bilhin ang bilin ni inang napadaan ako sa may parmacia. May eksenang naganap sa parmacia.

Isang lalaking may bitbit na malaking sako ang tila paiyak na nakikiusap sa tindera sa botica. Sa aking naulinagan, bumibili ang mama ng gamot para sa anak niya ngunit nakalimutan ang pera kaya't nakikiusap na pautangin muna pero ibabalik din agad ang bayad. Hindi naman pumapayag ang nagtitinda dahil bawal daw sa botica nila ang utang.

Hindi ko naman matiis ang mama. Nung lumapit ako sa kanila at tinanong ang problema nalaman kong isa pala syang magbobote. Naiwan daw pala ang pera sa bahay nila sa pagmamadali nya dahil kailangan na talaga ng anak nya ang gamot. Nung iniabot ko ang limang piso na pambili ko sana ng alimango, nagliwanag bigla ang mukha ng mama. Walang tigil ang pagpapasalamat sakin. Sabi nya, siguradong isasauli agad ang pera. Sabi pa nya, siya na daw ang bibili ng alimango, at kung kailangang samahan na gumapang ang alimango papunta sa bahay namin ay gagawin nya.

Binili nya agad ang gamot tapos ay nagpasalamat ulit sa kin at dali-daling naglakad papalayo. Habang naglalakad ay rinig na rinig mo pa ang kalatog ng mga bote sa sako niyang dala.

Pag-uwi ko ng bahay, nag-aabang na si inang. Nakita nyang wala akong hawak na alimango kaya't tinanong kung nasan ang pera. Hindi ko naman masabi na binigay ko sa mamang magbobote. Kilala ko si inang at maaari nyang sugurin ang mama o kundi man ay baka isuplong pa iyon sa mga tanod.

Sinabi ko na lang sa kaniya na nung bumili ako ng alimango ay napadaan ako sa may puno ng bayabas at naisipang magpahinga muna saglit sa lilim. Sinabi ko sa kanya na inilapag ko na lang ang mga alimango at pinagapang ang mga ito para maunang umuwi na sa bahay.

Nagpanting ang tenga ni inang sa sinabi kong yun. Katakut-takot na sigaw ang lumabas sa bibig niya. Tinawag akong tanga, tamad at kung anu-anopa. Tumungo na lang ako at pinilit magbingingihan at naglakad na lang papasok ng bahay. Hanggang ngayon nga parang dining ko pa rin na sumisigaw si inang.


Juan