(Mas mainam kung babasahin mula umpisa, o Mayo 12. - EXD)
ika-14 ng Mayo
Mahal kong talaarawan,
Kaninang umaga, bumalik ako sa may bayabasan sa may dulo ng daan sa may bayan.
Ito yung nadaanan ko na punong bayabas na napakaraming bunga na nahihinog na nung isang araw nang pinabili ako ng alimango ni inang.
Nung isang araw kasi, nang padaan ako ay may narining akong mga huni ng ibon sa may mga sanga. Nung tiningnan ko kanina sa taas ng puno ay nakita ko na may isang pugad na may mga inakay.
Humiga ako sa mismong ilalim ng pugad para kung malaglag man, walang hayop o batang makakadampot sa mga mahina pang inakay.
Nung araw na yun, kabang-kaba ako na baka magsilapitan ang mga bata at makita ang mga inakay. Paminsan-minsan may lumalapit sa akin na bata, at tatanungin kung anung ginagawa ko sa ilalim ng bayabas. Syempre hindi ko naman sasabihin na binabantayan ko ang mga inakay. Kay naman sabi ko na lang hinhintay kong malaglag ang bunga ng bayabas kasi tinatamad akong akyatin sa taas.
Buti naman umaalis ang mga bata pag sinasabi ko yun. Minsan sinsigawan nila ako ng tamad. Pero ayus lang basta mabuti ang lagay ng mga inakay.
Umalis lang ako sa lugar na yun nung wala na din ang mga bata. Bandang hapon na rin nun. Kaya tuloy napagalitan ako ni Inang pagbalik ko ng bahay. May nagsabi pala sa kanya na maghapon lang akong nakahiga sa may bayabas. Sinabihan din nya ako ng tamad.
Pero ayus lang sakin. Mabuti naman ang lagay ng mga ibon.
Juan