Wednesday, June 15, 2011

Two Moons: Ikatlong Yugto

Sweet Binaries


Sabi ng isang manunulat, tula ang nagbubuklod sa kanya at sa kanyang mangingibig. Mga berso ang nagbibigkis sa kanilang mga puso. Lilipas ang panahon ngunit ang mga titik at saknong ay di maglalaho. Ito ay patuloy na magbubulong sa hangin ng mga matatamis na salitang puno ng pagmamahal.

Hindi ako aakyat ng ligaw. (Pero sa suot kong itim na Synthetic abaca-carbon nanotube fibre dress ay mapapagkamalan mong pumoporma ako sa isang babae.) Una sa lahat, graphite fibres lang to, mumurahin lang. Pangalawa, isang job interview ang pupuntahan ko. At mukhang ma-lalate na ako sa appointment ko.

Salita ang sandata ko ngayon. Matatamis na salita, matitinding mga tula. Kailangan kong mapaniwala ang mag-iinterview na ako na ang pupuno sa hinahanap nilang posisyon sa kanilang kompanya.

Naghahanap kami ng Senior Tweet Analyst.

Yan ang sabi sa Job Advertisement.

Kwalipikasyon:

Kailangang higit sa isang minuto ang attention-span. (Pasok pa naman ako dito.)
Kailangang may 59 o higit pang Twittard accounts. (Kakagawa ko lang ng sampu kahapon kaya pasok na rin ako.)
Kailangang may 6 na buwan o higit pang karanasan sa enternet. (Pasok.)
Kailangang nakapag-umpisa na ng lima o higit pang online flame wars. (Dito ako pwedeng sumabit. Pero madali lang naman itong gawan ng palusot. Hindi ko kasi trip yung gumawa ng mga flame wars, pero sa mga healthy online debate at discussions magaling ako.)

Abilidad:

Sanay sa MicroLinuxsoft Office 2610 Applications (Binary, Fowerfoint, HEXcel)
Bihasa sa paggamit ng ng HTMLXX 197.0
Bihasa sa paggamit ng Gooogle OSX

Nagamit ko na lahat ng ito kaya tingin ko ayos naman ako sa aspetong ito. Pero kinakabahan pa rin ako. Lahat naman siguro kinakabahan sa mga job interview. Sino bang hinde?

Mas kinabahan ako nang makita ko ang signboard ng building na hinahanap ko.

Jollibee Technologies.

Nakatambad sa harapan ko ang mga letra na gawa sa mga neon tubes. Kumukuti-kutitap. Nagpapatay-sindi. Nakakasilaw. J.O.L.L.I.B.E.E. Nakakabulag. Sabi sa nabasa ko, dating nagtitinda ng pagkain ang kumpanya. Pero nang madiskubre ang Fastfood-meal-in-a-capsule ng Revicon Company ay nalugi na ang Jollibee at naghanap ng ibang mapagkakakitaan. Internet Research Information Gathering na ngayon ang business nila (o mas kilala bilang cyberchizmis).

Habang papasok ako sa pintuan ng building ay mas lalong bumibilis ang tibok ng puso ko. Pero matagal ko tong pinaghandaan. Di ako dapat panghinaan ng loob. Sa loob, nakita kong may mga limang taong nakaupo sa sofa sa may reception. Mukhang mga aplikante din.

Taas noo akong naglakad sa harap nila. Hindi ako magpapatalo. Kailangan ko ang trabahong ito. Nakasalalay dito ang kinabukasan ko. Ito ang magdidikta kung sa susunod na mga buwan ba ay matutulog pa rin ako sa aking kama o sa isang tambakan ng mga nanofilms.

Hindi pwede yun. Ayaw kong kumain ng pagpag na meal capsule. Ayaw kong pumatol sa mga botyang GMO meat. Hindi maaari. Hindi ako dapat panghinaan ng loob. Kaya ko 'to.

Lumapit ako sa reception at nagpapakilala.

Hiningi niya ang virtuacard ko. Binigay ko naman.

"Saglit lang po sir" sabi nya sabay swipe ng virtuacard ko sa computer interface.

Eto na. Di ako dapat sumuko.

"Ay, sir, tapos na po yung oras ng appointment nyo e. Pasensya na po. Sumuko na lang po kayo."





Susunod: Ikaapat na Yugto