Showing posts with label Juan Tamad. Show all posts
Showing posts with label Juan Tamad. Show all posts

Sunday, May 15, 2011

Ang Talaarawan ni Juan Tamad (Mayo 14)

(Mas mainam kung babasahin mula umpisa, o Mayo 12. - EXD)

ika-14 ng Mayo

Mahal kong talaarawan,

Kaninang umaga, bumalik ako sa may bayabasan sa may dulo ng daan sa may bayan.

Ito yung nadaanan ko na punong bayabas na napakaraming bunga na nahihinog na nung isang araw nang pinabili ako ng alimango ni inang.

Nung isang araw kasi, nang padaan ako ay may narining akong mga huni ng ibon sa may mga sanga. Nung tiningnan ko kanina sa taas ng puno ay nakita ko na may isang pugad na may mga inakay.

Humiga ako sa mismong ilalim ng pugad para kung malaglag man, walang hayop o batang makakadampot sa mga mahina pang inakay.

Nung araw na yun, kabang-kaba ako na baka magsilapitan ang mga bata at makita ang mga inakay. Paminsan-minsan may lumalapit sa akin na bata, at tatanungin kung anung ginagawa ko sa ilalim ng bayabas. Syempre hindi ko naman sasabihin na binabantayan ko ang mga inakay. Kay naman sabi ko na lang hinhintay kong malaglag ang bunga ng bayabas kasi tinatamad akong akyatin sa taas.

Buti naman umaalis ang mga bata pag sinasabi ko yun. Minsan sinsigawan nila ako ng tamad. Pero ayus lang basta mabuti ang lagay ng mga inakay.

Umalis lang ako sa lugar na yun nung wala na din ang mga bata. Bandang hapon na rin nun. Kaya tuloy napagalitan ako ni Inang pagbalik ko ng bahay. May nagsabi pala sa kanya na maghapon lang akong nakahiga sa may bayabas. Sinabihan din nya ako ng tamad.

Pero ayus lang sakin. Mabuti naman ang lagay ng mga ibon.

Juan

Saturday, May 14, 2011

Ang Talaarawan ni Juan Tamad (Mayo 13)

(Mas mainam kung babasahin mula umpisa, o Mayo 12. - EXD)

Ika-13 ng mayo.

Mahal kong talaarawan,

Kaninang umaga may kakatwang nangyari. Paggising ko ng umaga nagkaulirat ako na sumisigaw na pala si inang. Yung tungkol sa kahapon pa rin.

Sa kabila ng lakas ng mga sigaw niya, may narining pa akong kaluskos sa may likod bahay. Narinig din pala ni inang. Pagpunta namin sa likod nakita naming may gumagapang na mga alimango! Nang pinulot ni inang ang pagkakatali ay nakita niyang maraming alimango iyon para sa limang piso. Sa puntong yun lang humupa ang galit ni inang. Pasalamat daw ako at dumating ang alimango at mukhang nakamura pa ako sa pagbili. Dali-dali niyang pinulot ang mga alimango at dumiretso sa kusina para magluto ng panghanda.

Ako naman ay lumingon lingon muna sa paligid kung may tao. Wala naman akong nakita. Pero nung papasok na ako ay parang may narinig akong kalatog ng mga bote.

Juan

Friday, May 13, 2011

Ang Talaarawan ni Juan Tamad (Mayo 12)

Ika-12 ng Mayo.

Mahal kong talaarawan,


Napagalitan na naman ako ng husto ni inang. Wala na kasi yung pera binigay niya na pambili ng alimango. Hindi ko naman ginusto ang nangyari. Kaninang umaga, habang papunta ako ng bayan para bilhin ang bilin ni inang napadaan ako sa may parmacia. May eksenang naganap sa parmacia.

Isang lalaking may bitbit na malaking sako ang tila paiyak na nakikiusap sa tindera sa botica. Sa aking naulinagan, bumibili ang mama ng gamot para sa anak niya ngunit nakalimutan ang pera kaya't nakikiusap na pautangin muna pero ibabalik din agad ang bayad. Hindi naman pumapayag ang nagtitinda dahil bawal daw sa botica nila ang utang.

Hindi ko naman matiis ang mama. Nung lumapit ako sa kanila at tinanong ang problema nalaman kong isa pala syang magbobote. Naiwan daw pala ang pera sa bahay nila sa pagmamadali nya dahil kailangan na talaga ng anak nya ang gamot. Nung iniabot ko ang limang piso na pambili ko sana ng alimango, nagliwanag bigla ang mukha ng mama. Walang tigil ang pagpapasalamat sakin. Sabi nya, siguradong isasauli agad ang pera. Sabi pa nya, siya na daw ang bibili ng alimango, at kung kailangang samahan na gumapang ang alimango papunta sa bahay namin ay gagawin nya.

Binili nya agad ang gamot tapos ay nagpasalamat ulit sa kin at dali-daling naglakad papalayo. Habang naglalakad ay rinig na rinig mo pa ang kalatog ng mga bote sa sako niyang dala.

Pag-uwi ko ng bahay, nag-aabang na si inang. Nakita nyang wala akong hawak na alimango kaya't tinanong kung nasan ang pera. Hindi ko naman masabi na binigay ko sa mamang magbobote. Kilala ko si inang at maaari nyang sugurin ang mama o kundi man ay baka isuplong pa iyon sa mga tanod.

Sinabi ko na lang sa kaniya na nung bumili ako ng alimango ay napadaan ako sa may puno ng bayabas at naisipang magpahinga muna saglit sa lilim. Sinabi ko sa kanya na inilapag ko na lang ang mga alimango at pinagapang ang mga ito para maunang umuwi na sa bahay.

Nagpanting ang tenga ni inang sa sinabi kong yun. Katakut-takot na sigaw ang lumabas sa bibig niya. Tinawag akong tanga, tamad at kung anu-anopa. Tumungo na lang ako at pinilit magbingingihan at naglakad na lang papasok ng bahay. Hanggang ngayon nga parang dining ko pa rin na sumisigaw si inang.


Juan