Susunod: Ikaapat na Yugto
Wednesday, June 15, 2011
Two Moons: Ikatlong Yugto
Susunod: Ikaapat na Yugto
Sunday, June 12, 2011
walang papel
walang papel
(out of paper)
Eksaktong alas otso y media ng gabi nang natapos ko ang aking taym report. Sa mga oras na iyon ay natapos ko na rin ang mga dokumento para sa woktru bukas. Tapos na ring lahat ng mga nakatoka sa akin-- ang metriks dokyument, ang post mortem report at kung ano ano pa.
Uwing-uwi na ang mga umaasam kong paa. Nasasabik na ring pumikit ang pagod kong mga mata. Ang likod ko nama'y nagwewelga na para humilata sa malambot kong kama.
Subalit, hindi pa maaari. May isang bagay pa akong dapat gawin. Kailangan ko pang i-print ang mga dokumento. Kailangan kong ipasa sa aking manedyer ang taym report ko. At kailangan ko ring basahin at pag-aralan ang iba pang mga manuskrito para sa presentasyon.
"Konting tiis na lang 'to", nasambit ko sa aking sarili. Kaya't binuksan ko na sa mahal kong kompyuter ang lahat ng i-piprint ko. Pagkabukas ng taym report ko, pinindot ko ang isang maliit na larawan ng printer sa iskrin ko. Klik.
Biglang akong kinabugan ng biglang may lumabas na tandang padamdam sa iskrin ko. "Wag naman po
Nang binasa ko ang inilalabas sa monitor, unti-unting nagdilim ang paningin ko--napuno ako bigla ng pangamba, galit at mga iba pang emosyon.
"OUT OF PAPER" ang naninindak na nakaumang sa iskrin ko. "WALANG PAPEL!?!?" sambit ko naman.
Paano na ang sahod ko kung di ko maipapasa ang taym report ko ngayon?
Naisip ko bigla ang nanay ko na maysakit sa hospital, ang kapatid kong nag-aaral sa kolehiyo at ang tatay ko na nasa kulungan sa salang di siya ang gumawa. Paano ako makakabayad sa gamot, sa matrikula at pampyansa. Bakit kasi ngayon pa nawalan ng papel?
At paano na lang kung hindi ko mapag-aralan ang woktru?
Siguradong hindi magugustuhan ng kliyente ang presentasyon ko, at posibleng maging mababa ang reyting nila sa akin. Pagnagkaganun pihadong matatanggal agad ako sa trabaho. Naisip ko na naman si Inay, Itay at si bunso. Bakit nga ba kasi ngayon pa nawalan ng papel?
At paano naman yung mga metriks at post mortem para bukas? Paano kung hindi ko naayos ang mga datos para sa pangkat namin? Hindi kaya magalit ulit ang kliyente at i-sunset na lang ang pangkat? Pag nagkataon matatanggal pati ang trabaho ng mga ka-opisina at kaibigan ko! At ako pa ang naging dahilan niyun! Nang dahil lang walang papel.
Napaisip tuloy ako kung kanino bang trabaho ang paglalagay ng papel at kung bakit hindi nila ayusin ang trabaho nila nang hindi naman maapektuhan ang iba. Sa pag iisip ko, nakita ko ang isang personel ng City Service sa tabi ng printer.
Tumayo ako upang lumapit at kumprontahin sya. Naisip ko bigla kung ano ang pwedeng kong gawin sa kanya kung malaman ko na napabayaan niya ang trabaho niya kung sa kanya man nakatoka iyon. Pakiramdam ko'y makakapanakit pa ako ng tao dahil lang sa papel na iyan. Kawawang nilalang. Nang dahil lang sa walang papel.
Sa paglalakad ko ay nadaanan ko ang aking crush. Pagtingin ko sa kanya ay binigyan niya ako ng isang napakatamis na ngiti. Subalit, madilim ang kaisipan ko ngayon, kaya't hindi ko sinuklian ang ngiti nya. Biglang tila narinig ko ang isang awitin ng Itchyworms:
"...ang mga araw na hindi
mga anak at bahay nating pinaplano
lahat ng ito'y nawala..."
Ito ay dahil hindi ko siya nginitian pabalik--dahil sa papel ay gumuho ang pag-ibig ko. Bakit nga ba kasi ngayon pa nawalan ng papel?
Nagbalik sa aking isipan ang lahat ng mga bagay na aking pinakayayaman. Ang aking pamilya, mga kaibigan, ang aking dangal at ang aking pag-ibig. Lahat nang ito ay tila kastilyong buhangin na unti-unting gumuguho sa aking isipan. At lahat ng ito ay dahil sa kawalan ng papel.
Kaya tuloy pa rin ako sa paglapit sa dyanitor upang harapin ang salarin.
Nang tumapat ako sa may dyanitor sa may printer ay akma ko nang ibubuka ang bibig ko--bilang paghahanda sa isang makabasag tenga na pananabon sa maysala. Nang biglang lumapit ang isa kong kaopisina at may kinuha sa may printer. "Bat siya nakapagprint", naisip ko. Naisip ko na baka nagtatago siya ng papel para sa sarili niya. Napaka-walang-konsiderasyon naman niya. Ikaw pala ang dahilan ha, naisip ko.
Pinigil ko ang sarili ko na sugudin siya. Kaya't tinanong ko siya sa isang malumanay na paraan.
"Pre, san ka kumuha ng papel?" pilit kong pinigil ang emosyon ko na nag-uudyok sa akin na sunggaban siya at bugbugin.
"Ayan o andami, limang reams. Sa tabi ng printer. Sa harap mo."
Toink!
- - - W A K A S - - -