Monday, May 16, 2011

Two Moons: Unang Yugto

Philcoa A.D.


I'm hanging my hopes on a little red kite
Built a fortress 'round a frail stalactite
we're going down, my friend, (though i do not care)
Come, sail in my boat (as if you would dare)


'Paingles-ingles ka pa, e patay na ang Amerika!'

Napakislot ako ng sinigawan ako ni Manong Jun, Ang Magtataho. Hindi ko kasi namalayang napalakas na pala ang pagsasalita ko habang kumakatha ako ng tulang Ingles.

'Magkano ho ba?' tanong ko sa kanya habang inaabot ang virtuacard ko.

'2 digicreds lang, pogi' sabay swipe niya ng card ko sa card interface.

Mapait akong napatango nang mabasa ko ang balance ko sa screen ni manong.
'Andres, meron ka na lang 355 digicreds. Magkarga ka na agad ng digicreds upang hindi ilitin ng Pamahalaan ng Pilipinas ang lahat ng ari-arian mo.
May kargahan ng digicreds sa mga babanggiting lugar na malapit sa yo;
Balara Technohub, Guho ng Oblation fleamarket, Fort na Ligas ... '


Di ko na natapos basahin ang nakasulat dahil sa pag-aalala ko.

Meron na lang akong 355 digicreds.

40 digicreds para sa buwanang upa ko sa tinitirhan ko ngayon na RCB (Residential Converted Barracks) sa Fort na Ligas.
80 digicreds para sa inutang ko na SmartHouse sa Pinatubo Habitations.
35 digicreds para sa pagkain ko sa isang buwan.
18 digicreds para sa pamasahe ko.
2 digicreds para sa 'pamasahe' ko.

Suma total, 175 digicreds ang ginagastos ko bawat buwan. Ibig sabihin, may dalawang buwan na lang ako para makahanap ng bagong trabaho kung ayaw kong mailit ng gobyerno ang lahat ng pinaghirapan ko.
Hayup na recession kasi yan! Tuloy nasibak ako sa Andoks Solutions. Kala ko pa naman magiging ok na ang lahat nung manalo si Smith bilang unang puting presidente ng South African Union.

Dalawang buwan.
Bale dalawampu't apat na araw na lang.
Kung pwede lang sanang gawing mas mahaba ang isang buwan. Sabi dun sa nabasa kong aklat ng kasaysayan, dati daw may tatlumpung araw sa isang buwan. Umikli daw ito nung panahon na napuno ng 'ore mines' ang buwan.
Ngayon puro resort na lang meron dun. Pugad na ngayon ng mga political prisoners na naghahanap ng asylum.
Ang sabi-sabi, dun daw naka-asylum si Jomari Singson, ang founding overlord ng ‘New Order Hackers!’ (NOH!).
Kaya nga natatawa na lang ako sa tuwing nag-rarally sila sa ilalim ng araw (may alam pa silang mga slogan na nirerecycle lang naman gaya ng, 'Tolits pasista NOH!', 'Ibagsak ang pamahalaang Tolits NOH!', 'Lumaban ka Pinoy NOH!'), pero hindi nila alam nagbabakasyon lang ang lider nila sa isang magarbong hotel sa buwan.

Ang buhay talaga. Merong iba, hindi naman nagpapagod pero sa kanila pa napupunta lahat ng grasya. Samantalang yung iba, nagpapakahirap, nagpapakapawis pero wala pa ring napapala sa bandang huli.

'Sige ho, Manong', paalam ko kay Mang Jun sabay kuha ang virtuacard ko.

Pikit-mata kong sinipsip at ninamnam ang aking taho na binili ko ng pinaghirapan kong digicreds.

Lasang pawis.






Susunod: Ikalawang Yugto