Monday, March 18, 2013
Two Moons: Ikalimang Yugto
Technocidal Tendency
Ang susunod na liham ay encrypted Base-128.
Mahal kong talaarawan,
Ngayong araw ay sisimulan kung gumawa ng isang talaarawan. Bakit ngayon pa kamo? Kasi ngayon lang nagsisimula ang buhay ko. Magmula ng makilala ko siya, ay wala na akong ibang gustong gawin kundi makita siyang muli. Nagbago ang kulay ng mundo ko. Naging makulay. Ika nga ng matatanda, parang isang batang kakalabas lang sa clone vat.
(Parang nagiging love letter…)
Hindi yun ang gusto kong ikwento sa yo. Alam mo naman siguro na meron na lang akong dalawang buwan. Ilang digicreds na ba ang nagastos ko ngayong araw? Malamang kulang dalawang buwan na nga lang ang meron ako. Anuman ang maiiwan kong pag-aari, kung meron man ay mapunta sana sa pamilya ko na nasa langit na ngayon--sa kanilang Zepellin Mansion.
(Nagiging last will and testament…)
Gusto ko pang mabuhay. Napakasarap mabuhay. Pero mukhang hindi ko maaafford yun ngayon. Nung kinwenta ko ang aking gastusin para sa dalawang buwan ay nakalimutan ko na ngayon taon din nga pala ang expiration date ng Fusion cell na nagpapatibok ng heartpump ng neural system ko. At kung walang neural system, mawawalan ako ng access sa Cyberstream. Mas mabuti pang mamatay na lang ako, kesa maging isang inbalido at kung mas malala pa ay baka maging isang burado.
Napagtanto ko ang lahat ng ito kahapon ng makilala ko siya. Pagsakay niya ng elevator. Nung sandaling yun biglang tumibok ang heartpump ko. Tugss. Tugss. Tugss. At nablanko na lang ako bigla. Hindi dahil sa kung ano mang emosyon, kundi dahil sa takot. Sa takot na biglang tumigil ang tibok. Tugss. Tugss. Tugss.
Kaya naman kung anong tindi na lamang ang kagustuhan ko na makita syang muli. Upang tuloy tuloy na tumibok ang puso ko. Dahil alam kong oras na tumigil ito, ay matatapos na ang lahat.
O aking talaarawan, marahil alam mo na kung gano kahalaga sa akin na makahanap ng trabaho sa loob ng dalawang buwan. Salamat sa iyong pakikinig. Ngayon, ipiprint ko ito sa isang carbon fiber sheet at dadalhin lagi kahit saan ako magpunta, para kung bigla akong maging isang burado ay mayroon pa din akong pagkakakilanlan sa mundong ito. Sana naman kahit itong liham na ito ay hindi mabura sa kasaysayan. Sana ay hindi ako makalimutan ng tuluyan.
(Ayan, suicide note na.)
Nagmamahal,
Ako
PS. Kung maging burado man ako at maging isang tila multo na lang na pagalagala sa Realspace ng walang access sa Cyberstream, kung sino man pong makakabasa nito, pakiusap, bisitahin nyo po ang cybergrave ko sa address na to: httpsq://112304.321.22312.77654019/G65%4#jkjdll.?cyber&hhgslong. Kahit isang pirang cyberrose ay ayos na po. Tatanawin yun na isang malaking utang na loob mula sa isang nagpapakumbabang nilalang na naoffline nang hindi pa nya panahon.
PSS. Kung may extra creds at ontime pa kayo, baka gusto nyo din ituloy ang nilalaro kong Utotpia Online, o kaya pakainin si Spyke, ang aking Quantumpet, o kaya ituloy ang aking Fantasy Doctor’s War. (Nasa cyber grave ko ang mga username at password).
Subscribe to:
Posts (Atom)